Ang sukatan upang makamit ng isang tao ang tagumpay ay hindi lang nakasalalay sa determinasyon at tiyaga. Dapat buo rin ang loob mo sa pagharap sa mga pagsubok at mahal mo ang iyong ginagawa.
Ang mga katangiang ito ay maaaring makita sa isa sa pinaka magaling na manlalaro sa bilyar, si Efren ‘Bata’ Reyes.
Ipinanganak siya noong Agosto 26, 1954, at pang lima siya sa siyam na magkakapatid.
Noong limang taong gulang siya, pinadala siya ng kanyang mga magulang sa Maynila upang tumira sa kanyang tiyuhin na may ari ng bilyaran. Dito, tumulong siyang maglinis ng mga lamesa ng bilyar, at dito narin nagsimula ang pagmulat sakanya na maglaro ng bilyar. Kwento pa niya na bilang bata pa siya, kinakailangan pa niyang tumungtong sa mga patong patong na case ng Coca-Cola para lang maabot yung lamesa ng bilyar.
Bunga ng pagprapraktis tuwing umaga at gabi, nagsimula siyang sumabak sa mga pustahan nang tumungtong siya ng hayskul. Bilang nahahasa nang nahahasa ang kanyang talento sa paglalaro, at pataas nang pataas ang kaliber ng kanyang galing, nagsimula na siyang lumaban sa mga paligsahan sa ibang bansa.
Sa taong 1999, naging world champion siya sa World 9-Ball Championship. Simula noon, nagtuloy tuloy parin siya sa paglalaro ng bilyar hanggang sa ngayon.
Tunay na nakamamangha ang kanyang istorya dahil ang paglalaro niya ng bilyar ay para maiahon ang kanyang pamilya sa hirap. At dahil sa kanyang angking talento, pagmamahal sa laro, at pagtitiyaga, tinuturing siya na Filipino Pool Legend. Binansagan din siya bilang “The Magician”, dahil sa kanyang mga imposibleng tira sa pool.
Sa kabila ng pagiging sikat, nanatili parin siyang mapagkumbaba, hindi sumabak sa pulitika, at naging kuntento sa kanyang mga narating sa buhay. Kahit hindi na siya lumalaban sa malakasang kumpetisyon ngayon, patuloy parin ang paglalaro niya ng bilyar at lumalaban paminsan sa maliliit na paligsahan sa mga baryo.
“Huwag mong isipin na magaling ka na. Kahit magaling ka na, kailangan mo parin mag praktis.”
Iyan ang payo ni Efren sa mga gusto sumabak sa mundo ng pool, at puwede rin ilapat ang payo niya sa kahit anong aspekto ng buhay ng tao.
Ang iyong galing ay hindi lang natatapos sa isang tagumpay. Patuloy kang magpursige hanggang sa ang pinaka mahirap mong makakalaban ay ang iyong sarili at oras. Panatilihing nakatapak ang mga paa sa lupa at laging magpasalamat sa mga taong sumusuporta sa iyo.
Back to Blogs